HINDI NIYA ugali ang magbasa ng diary ng may diary—kahit na anong sulat na hindi para sa kanya—pero inunahan siya ng curiousity niya kaya bago pa man niya mapigilan ang sarili’y nabuksan na ng kanyang mga kamay ang diary.
Dear Maggie,
Simple lang naman ang gusto kong maging love story noon. Ang gusto ko mahalin din ako ng taong mamahalin ko. Wala akong pakialam kung ano at sino pa siya. Basta ang mahalaga sa’kin ay ang pagmamahal namin sa isa’t isa. And actually, nangyari naman ‘yon. Minahal ako ng taong mahal ko. Pero hindi naging gano’n kadali ang lahat para sa’min.
Sometimes, the things that you didn’t wish for would be given to you for a reason. You might not know the reason now, but you will eventually discover what it is like I did. So, Maggie, this is my story…
BATA PA lang ako ay mahilig na akong humiling. Sa buwan at mga bituin, sa balon, sa rainbow at kahit na sa isang pilikmata. Ang sabi sa’kin ng nanay ko, makapangyarihan daw ang isang hiling dahil ang bawat hiling ay nagdudulot ng pag-asa sa puso ng isang taong gumagawa niyon. Ang sabi pa ng nanay ko, matuto daw akong maniwala sa imposible. Dahil wala raw imposible sa mga taong malalakas ang puso. At siyempre, sa mga taong matinding manalangin.
Marami na akong nahiling sa buwan at mga bituin, sa balon at sa ilang pilikmata na nahulog mula sa aking mga mata. Pero iisang hiling ang siyang nagdulot ng malaking impact sa buhay ko, ang mahanap ang aking “The One”. So, once upon a time, I wished upon a star…na sana ay makilala ko na ang taong mamahalin ko at makakasama habang buhay. Hindi nagtagal—as in, hindi talaga nagtagal—ay may nakilala nga akong isang lalaki…at katulad ng bituing pinaghilingan ko ay nahulog din ako sa kanya.
---
“SHOOTING STAR!” masayang sigaw ni Leigh nang makakita muli siya ng isang bulalakaw na nahulog mula sa langit. Hindi iyon ang unang shooting star na nakita niya ng gabing iyon. Pero dahil na-distract siya kanina ay hindi siya nakahiling doon sa mga nauna. Kaya pagkakita niya sa shooting star na iyon ay agad niyang ipinikit ang kanyang mga mata kasabay ng pagsiklop ng dalawa niyang kamay. Saka siya piping humiling sa bulalakaw na iyon.
Sana makilala ko na ang aking ‘the one’, ang lalaking mamahalin ko ng lubos at ang lalaking makakasama ko habang-buhay.
Iyon ang madalas na hilingin ni Leigh sa kung anu-anong bagay na maaari niyang hilingan nitong mga nakalipas na taon. Beinte-singko anyos na kasi siya pero wala pa siyang nagiging nobyo samantalang ang mga pinsan niyang babae, high school pa lang ay mayroon na. Mapili na kung mapili pero gusto ni Leigh na ang unang lalaking magiging karelasyon niya ay siya nang magiging asawa niya. Isa pa’y wala pang nakakapagpatibok sa pihikan niyang puso. At naniniwala siyang kapag tumibok iyon ng kakaiba para sa isang lalaki, sigurado siyang ang lalaking iyon na ang kanyang “the one”.
Napamulat bigla ng mga mata si Leigh nang maramdaman niyang may kung anong pumatong sa kanyang mga balikat. Nagulat siya ng makitang may isang lalaking nakatayo na sa kanyang tabi at ang bagay na nakapatong sa mga balikat ni Leigh ay isang leather jacket na marahil ay pag-aari nito.
Tinitigan ni Leigh ang lalaking nasa harapan niya ngayon. Simpleng gray t-shirt lang ang suot nito pero tila nakasuot na ito ang isang tuxedo sa harapan niya. Magaling itong magdala ng damit dahil siguro maganda ang pangagatawan nito at dahil gwapo ito. Manipis ang gupit ng buhok ng lalaki sa magkabilang gilid ng ulo nito at naka-brush up naman ang makapal nitong buhok sa gitna. Pero dahil medyo mahangin sa lugar na kinaroroonan nila ngayon ay may ilang parte ng buhok nito ang nawawala sa ayos. Ngunit hindi iyon nakabawas sa angking kagwapuhan ng lalaki, bagkus ay nakadagdag pa iyon sa taglay nitong sex appeal.
Noon lang nakatitig ng ganoon sa isang lalaki si Leigh na animo isa itong microorganism na tinitingnan niya sa ilalim ng microscope at mabilis na mabilis ang tibok ng puso niya na para bang kinakabahan siya. Makapal ang mga kilay ng lalaki at mahahaba din ang taglay nitong mga pilikmata na siyang nakapagpa-enhance sa kulay brown nitong mga mata. Namangha din siya sa matangos nitong ilong dahil iilan lang sa mga purong Pilipinong kilala niya ang may matangos na ilong. Sa tingin ni Leigh ay purong Pilipino naman ang lalaking ito. Higit sa ilong nito ay mas nabigyang pansin yata niya ang medyo makapal nitong mga labi dahil doon nagtagal ang kanyang mga mata. May pakiramdam ba siya na parang kaysarap niyong halikan.
Dear Star, salamat sa pagtupad agad sa hiling ko, kinikilig na sabi ni Leigh sa kawalan nang bahagya niyang ialis ang kanyang tingin sa lalaki.
“Okay ka lang?” tanong ng lalaki sa kanya.
Oh, shit. Ang gwapo pati ng boses niya. “Oo naman. Okay na okay ako,” agad na sagot niya rito. Kumunot ang noo ng lalaki kaya bahagya siyang napangiwi. Masyado bang naging OA ang pagsagot niya?
Kalma lang kasi, Leigh, aniya sa sarili.
“Ang ibig kong sabihin, okay lang ako. Mukha ba akong hindi okay?” dugtong pa niya rito. Shit! mura niya sa sarili. Kinakabahan siya. Bakit siya kinakabahan sa lalaking ito? Hindi naman siya natatakot pero kinakabahan siya.
“No. Mukha ka namang okay,” nakangiting sabi ng lalaki kaya medyo kumalma siya pero mabilis pa rin ang tibok ng puso niya. “Ang ibig kong sabihin, hindi ka ba nilalamig dito? Kanina ka pa kasi dito sa labas,” sabi pa nito.
Kasalukuyan silang nasa labas ng The Garage Suites—isang hotel na pag-aari ng boss niyang si Raoul Maxwell—sa loob ng Camp Speed—isang lugar para sa mga racing enthusiasts sa Batangas. Kanina pa siya roon sa labas dahil talagang hinihintay niya ang meteor shower na nabalitaan niyang mangyayari ng gabing iyon.
“Ibig sabihin, kanina mo pa ako tinitingnan?” walang prenong tanong niya rito. Ganoon kasi siya. She speaks what’s on her mind. Dahil doon ay natawa ang lalaking kaharap niya.
“Yes. Kanina pa kita tinitingnan,” pag-amin naman ng lalaki. Naghugis “O” ang bibig niya dahil hindi niya inasahan ang pag-amin nito. At the same time, mas trumiple ang bilis ng tibok ng puso niya.
Kalma lang, heart. ‘Wag kang ganyan. ‘Di ako makapag-concentrate.
“Ah,” tanging nasabi ni Leigh dito dahil hindi niya alam kung ano ang isasagot niya roon. Tumikhim siya. “Nakita mo rin ba ‘yong shooting star? Hindi ko napanood ‘yong meteor shower kasi nag-wish agad ako pagkakita ko do’n sa isang shooting star eh,” dire-diretsong sabi niya rito.
“No. I’m busy—“
“Ay, sayang naman. Hindi ka tuloy—“
“Looking at you.”
“Nakapag-wish do’n sa…Ano? Ano ulit ‘yong sinabi mo?” tanong niya rito. Hindi niya alam kung tama ang narinig niya mula rito. Muli itong natawa sa kanya saka ito napailing.
“I like you,” pagkuwa’y sabi ng lalaki.
Nanlaki ang mga mata ni Leigh sa narinig mula sa lalaki. Bahagya siyang lumayo rito at tinaasan ito ng isang kilay. “Agad-agad? Hindi mo pa nga ako kilala eh.”
“Eh ‘di kikilalanin kita,” sagot naman nito sa kanya. Itinaas pa lalo ni Leigh ang kilay niyang nakataas kanina.
“Hoy, mukha ba akong easy to get? Kung akala mo’y bebenta sa’kin ang mga linya mong ganyan, nagkakamali ka. Hindi porke’t gwapo ka ay mapapahinuhod mo agad ako,” seryosong sabi niya rito. Lumambot naman ang ekspresyon ng mukha ng lalaki.
“I’m sorry. Hindi gano’n ang ibig kong sabihin. I didn’t mean to upset you,” sinserong paumanhin nito sa kanya. Tumikhim ito bago muling magsalita. “Pumasok ka na sa loob dahil baka mahamugan ka,” anito saka walang anu-anong tinalikuran siya at naglakad papasok sa loob ng hotel.
Uy, gentleman pala. Thoughtful pa dahil sa jacket na…ang jacket niya! hiyaw ng isipan niya.
“Teka lang, ‘yong jacket mo!” tawag niya rito saka siya sumunod dito. Tinanggal niya sa pagkakaalampay sa kanyang balikat ang leather jacket nito. Naabutan naman agad niya ito sa loob kaya iniabot agad niya sa lalaki ang jacket nito.
“You can keep it,” anito sa kanya.
“Hindi ko naman kailangan—“
“Sa susunod na lalabas ka para maghintay ng isang shooting star, gamitin mo ‘yan,” nakangiting sabi nito sa kanya. Muling tumalikod sa kanya ang lalaki para maglakad palayo.
Gano’n na lang ‘yon? Hindi man lang niya itatanong ang pangalan ko? Hindi man lang niya kukunin ang number ko?
“Hoy!” sigaw niya rito. Pagkuwa’y napangiwi siya dahil napatingin sa kanya ang ilang tao na nasa lobby. “Sorry po,” hinging-paumanhin niya sa mga ito saka siya nag-focus sa lalaki.
“It’s Knight. Knight Serrano,” nakangiting baling ng lalaki sa kanya na tila ba nabasa na nito ang nasa isipan niya.
“Ah. Ako naman si—“
“Leighton!” tawag sa kanya ng boses ni Raoul—na siya lang gumagamit ng buong pangalan niya—na nasa likuran ni Knight at dire-diretsong naglakad palapit sa kanya. Napatingin dito si Knight. “Where have you been? Kanina pa kita hinahanap,” sita ni Raoul sa kanya.
“Ah, sa labas lang. Nag-wish,” simpleng paliwanag niya rito dahil alam niyang naintindihan na nito iyon.
“Wishes are for kids. You’re not a kid anymore,” sabi naman ni Raoul.
“Pwede namang maging kid at heart,” sagot niya rito. Muling tiningnan ni Leigh si Knight na nakatingin sa kanilang dalawa ni Raoul. “Knight, boss ko nga pala, si Raoul. Ang taong kailangan ng isang wish.”
Ngumiti si Knight dahil sa sinabi niya. “I think, hindi sapat ang isang wish para kay Raoul.” Sa sinabi nito ay napagtanto niyang matagal nang magkakilala ang dalawang lalaki. Kung racer sa Camp Speed si Knight ay tiyak nga iyon dahil isa sa may-ari ng lugar si Raoul at madalas itong pumunta roon.
“Shut up, Knight. At least, hawak ko ang buhay ko,” makahulugang sabi ni Raoul kay Knight. Dahil doon ay nawala ang ngiti sa mga labi ni Knight at naging seryoso ang mukha nito.
Wala na yata talagang pag-asa na mag-lie low sa pagkamasungit itong si Raoul. Bilang secretary-slash-assistant-slash-shock-absorber-slash-kaibigan na tanging nakakaintindi sa mood swings nito ay trabaho niyang sundan ito roon para masigurado niyang hindi ito makapangbiktima ng mga mahihina ang puso.
Pinalo ni Leigh sa braso si Raoul. “Hopeless na talaga ang social skills mo, Raoul.”
Pagkuwa’y binalingan ni Leigh si Knight at lumapit siya rito. Hinubad niya mula sa kanyang pulsuhan ang Evil Eye na isang taon na niyang suot. Ang Evil Eye ay isang ‘wishlet’ o wishing bracelet na may kulay pulang thread-like chain at ang painted glass na siyang nagsisilbing ‘charm’ niyon na tinatawag na ‘Evil Eye’. Ayon sa pinagbilhan niyang shop niyon, kapag kusa daw nahulog ang Evil Eye, ibig sabihin daw niyon ay matutupad ang hiling ng taong may suot niyon.
Isinuot ni Leigh ang Evil Eye sa kanang kamay ni Knight. “Ang tawag dito ay ‘Evil Eye’. Kapag nahulog daw ito ng kusa, ibig sabihin daw no’n ay matutupad ang wish mo. Mag-wish ka na.”
“Bakit binibigay mo sa’kin?” tanong ni Knight.
“Wala ka na kasing jacket para maghintay ng isang shooting star sa labas. Kaya d’yan ka na lang mag-wish. Basta tandaan mo, kailangang mahulog ‘yan ng kusa,” nakangiting sabi ni Leigh kay Knight. Saka niya hinigpitan ang tali ng wishlet sa kamay nito.
“What if, you are my wish, Leighton?”
“EARTH TO Leighton!”
Hinampas ni Leigh sa braso si Raoul dahil sa naging sigaw nito na ikinagulat niya. Nasa biyahe na sila pabalik ng Maynila. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya maka-get over sa nangyari sa kanya kanina. Pakiramdam niya ay nanaginip siya ngayon. Kung bakit ba naman kasi nawalan siya ng dila kanina.
“Stop acting so silly,” sabi ni Raoul sa kanya. Sinimangutan ito ni Leigh.
“Mukha ba talaga akong timang kanina sa harap ni Knight? Bumuka ba ‘yong bibig ko? Nakakahiya! Paano kung na-turn off siya sa’kin? Shet,” sunod-sunod na tanong ni Leigh kay Raoul.
Magkababata sina Leigh at Raoul dahil nagtrabaho bilang kusinera sa pamilya Maxwell dati ang nanay ni Leigh. Kaya malapit sila sa isa’t isa. Sa katunayan ay siya lang ang hinahayaan nitong lumapit at kumausap dito ng balbal. Nang tanungin niya kung bakit hinahayaan siya nitong maging ‘close’ dito, ang sabi lang nito sa kanya ay ayaw daw nitong umiyak siya kapag naging ‘monster’ ito sa harapan niya.
Nang ‘banatan’ kasi siya kanina ni Knight ay napamaang lang siya sa lalaki at hindi na nakapagsalita pa. Kung hindi siguro sumingit sa kanilang dalawa si Raoul ay nakatayo pa rin siya doon sa harap ni Knight na parang estatwang timang hanggang ngayon. Bigla na namang bumilis ang tibok ng puso niya ng maalala ang mga katagang binitiwan ni Knight sa kanya kanina.
“What if, you are my wish, Leighton?”
Gusto tuloy niyang isagot dito ang mga katagang, “You’re my wish come true.” Paano nga kung ito na ang sagot sa hiling niya? Coincidence lang ba na pagkatapos niyang humiling ay bigla na lang itong nag-appear sa harapan niya?
Shet! Kinikilig na naman ako! At kinuha pa niya ang number ko. Shet talaga!
“Na-love at first sight siya sa’kin ‘no? Ako rin. Naku! Thank You, Lord. Ang gwapo ng ‘The One’ ko na ibinigay N’yo,” sabi ni Leigh. Kung si Knight talaga ang sugo Nito sa kanya. “Raoul, magkwento ka naman tungkol kay Knight. Kailan pa kayo magkakilala? Madalas ba siya sa Camp Speed? Bakit ngayon ko lang siya nakita?”
“Isa lang ang masasabi ko sa kanya. He’s a fucking puppet with a heart. Kontrolado ng mama niya ang buhay niya. Wala siyang ginagawa na hindi ayon sa mama niya maliban sa racing. Alam mo bang no’ng una niyang sabak sa racing ay nakabantay sa kanya ang mama niya? Kaya siguro nagustuhan mo rin agad siya, pareho kayong bata. Ikaw isip-bata, si Knight naman tinuturing na bata,” sabi ni Raoul.
Tiningnan ng masama ni Leigh ang boss at kaibigan. “Alam mo, darating ang panahon na mahahanap mo rin ang katapat mo.”
“Kung ang ibig mong sabihin ay magmumukha akong timang sa harap ng isang babae katulad ng ginawa mo kanina sa harap ni Knight nang hindi ka makapagsalita—which happened for the first time in your history of ‘kadaldalan’—no way. Hinding-hindi ko hahayaang mangyari ‘yon,” kontra ni Raoul.
“Ha! Iyan ang sunod kong iwi-wish,” sabi niya rito.
“Bakit? Natupad na ba ang wish mo?” tanong naman nito sa kanya.
“Oo. Si Knight. Akalain mo ‘yon? Ako rin ang wish ng taong wish ko. Nakakakilig!” kinikilig na sabi ni Leigh.
“Seriously, Leigh. ‘Wag kang masyadong umasa. Mahirap mahalin si Knight. Humanap ka na lang ng iba,” sabi ni Raoul.
“’Wag ka ngang nega! The wishing star brought us together. Pagkatapos kong mag-wish kanina, bigla na lang nando’n na si Knight pagmulat ko ng mata. It must be fate.”
“Bahala ka nga. Ikaw naman ang may hawak sa buhay mo. Basta binalaan na kita. ‘Wag kang magpapakita sa’kin na iiyak-iyak dahil kay Knight dahil itatapon kita sa Ilog Pasig.”
“Hindi ka lang nega, brutal ka pa,” paingos na sabi ni Leigh kay Raoul.
“Ayaw lang kitang masaktan, Leigh,” seryosong sabi nito sa kanya. Na-touched siya sa sinabi nito. Nag-iisa lang na anak si Leigh at si Raoul ang nagsisilbing kuya na nag-aalaga at pumo-protekta sa kanya. Pero minsan ay itinuturing din niya itong bunso. Masarap kasi itong asarin dahil madalas ay pikon ito.
“At hindi ako masasaktan kapag tinapon mo ako sa Ilog Pasig? ‘Wag kang nega! Nagsisimula pa nga lang, sakit sa puso agad ang iniisip mo. Jini-jinx mo ang love story namin ni Knight,” aniya rito.
“Whatever,” tanging nasabi na lang ni Raoul.
“Regardless of his mother, okay ba si Knight?” tanong niya sa kaibigan.
“Yes.”
“Good. Iyon lang naman ang mahalaga sa’kin.”
Pero napaisip si Leigh sa mga sinabi ng kaibigan. May future nga ba ang love story nila ni Knight?

