“ONCE upon a time, in a kingdom---“ fuck fuck away, halos magngitngit ang ngipin ni Warren sa pagpipigil na hindi ang nasa isip ang sasabihin. Tumikhim siya. “Far, far away…there live a princess named Snow White. She found her prince and they lived happily ever after…”
Kumunot ang noo ng anim na batang kasama ni Warren sa malaking kuwarto. Kung naroroon rin siguro ang panganay niyang pamangkin na si Daniel, malamang ay ganoon rin ito. Kahit kasi ang pinaka-maarte at panganay niyang pamangkin na babae na si Dixie ay napatingin at napakunot-noo rin sa kanya. Kataka-taka iyon dahil madalas naman na wala itong pakialam.
Kasalukuyan na binabasahan ni Warren ng fairy tale ang mga pamangkin niya sa kuwarto ng mga ito. Kinasanayan na iyon ng mga bata na gawin tuwing gabi. Kahit paulit-paulit ay walang kasawaan ang mga ito.
“Tito, ang bilis naman po. Marami pa pong nangyari kay Snow White bago sila magkaroon ng happily ever after ng prince niya,” Ang pangatlo sa pamangkin at genius ng pamilya na si Drake ang nagsalita.
Ginulo ni Warren ang buhok nito. “Nabasa na natin ito kahapon. Alam niyo na ang nangyari kaya okay lang na hindi ko na rin ikuwento…”
“I want to hear it again!” Demand ni Daisy---ang pinaka-pasaway, mapang-asar at demanding sa pamangkin niya. Kabaligtaran naman ng kakambal nitong si Darwin ang reaksyon nito. Halatang nagtataka si Darwin pero wala silang kahit anong narinig rito. Sabagay, ito rin kasi ang pinaka-tahimik sa mga pamangkin niya. Kumakandidato ito sa pinaka-paborito niyang pamangkin. Ayaw kasi niya ng maingay. Pero hindi ito manalo-nalo dahil may isa itong katangian na hindi niya gusto. Iyakin ito. Walong taong gulang na ito at masasabing marami ng pinagdaanan sa buhay pero nanatili pa rin itong balat sibuyas.
Niyakap siya ni Dianne. Ito ang pangalawa sa bunso niyang pamangkin. Ito naman ang pinaka-sweet. “Tito, we want more. We didn’t stay up late just to hear a short story…”
Hinalikan niya sa ulo ang anim na taong gulang na bata. “Iyon na nga, Baby. It’s already late so you should all sleep now,”
Tinignan ni Warren ang bunso niyang pamangkin na si Dennis. Kagaya ng mga kapatid ay gising rin ito pero halatang inaantok na. Three years old pa lang ito kaya kailangan talaga nito ng mahabang tulog. “Look, Dennis is sleepy already. Isa pa, may mga pasok kayo bukas. Tapos niyo na ba ang mga assignments niyo?”
“It’s Friday today. Though I want to study, Daddy always said it’s good to have fun sometimes,” nagkibit-balikat pa si Drake.
“But what we are doing is not funny anymore…” Hindi na napigilan na sabihin ni Warren. Mahina lang naman iyon dahil hangga’t puwede ay gusto niya pa na magtimpi. Pero sadyang sinusubok talaga ng mga pamangkin niya ang pasensya niya. Narinig ng mga ito ang sinasabi niya.
“You don’t like it, Tito. Galit ka ba sa amin? Hindi mo na ba kami gusto?” Doon na nagsalita si Darwin. Nanunubig ang mga mata nito at hindi katagalan ay napaiyak na. Napatingin rito si Dianne at madaling nahawa ito sa kapatid. Malaking bata ito kaya ibang klase itong umiyak. Humagulgol ito. At si Dennis na hindi naman totoong alam ang nangyari ay naki-iyak na rin.
Nawala na ng tuluyan ang pasensya si Warren.
“Ipagpatuloy niyo pa ang pag-iyak na `yan at talagang magagalit na ako sa inyo!” Tumaas na rin ang tinig ni Warren. Madilim ang mukha niya. Bakit ba kailangan niyang pagdaanan ang lahat ng ito?
At the age of twenty nine, ine-enjoy pa dapat ni Warren ang buhay niya. Pero ito siya, stuck with six, seven kids! Pasalamat na lang siya at ipinasok ng namatay niyang hipag ang panganay na si Daniel sa seminaryo kaya hindi na rin niya ito poproblemahin. Pero napakahirap pa rin ng lahat. Hindi niya pinangarap na makuha ang responsibilidad na ito sa napakamurang edad.
Three months ago nang mamatay ang panganay at nag-iisang kapatid ni Warren. Ito ang ama ng mga pamangkin niya. Na-involved ito sa isang car accident. Isang taon naman bago nangyari ang aksidente ay namatay ang hipag niyang si Delilah. Ulila na ngayon ang mga pamangkin niya. Dahil wala na rin siyang mga magulang, wala na ring ibang kapatid at matagal ng patay ang mga magulang ni Delilah, sa kanya napunta ang mga pamangkin niya.
Wala naman sanang problema. Mahal ni Warren ang mga pamangkin niya….noon. Nang buhay pa ang kapatid at hipag niya, madalas na nakikipag-usap siya sa mga ito kahit malayo siya. Kapag rin may espesyal na okasyon ay umuuwi siya ng Pilipinas. Ilang taon rin siyang naka-base sa America.
Nang makapagtapos si Warren ng masters in Business Administration sa isang Ivy school sa America ay nagtayo siya ng business---ang Charm Tech. Kasosyo niya roon si Andy---ang kaklase at naging ka-close niya sa graduate school. Business partners rin nila ang ilang kaibigan nito na sina Peter at Wulfric. Nagkaroon rin sila ng isang kaibigan na siyang pinaka-utak ng company dahil ito ang pinakamagaling sa Technology---si Rumple. He’s a geek. Ito ang namamahala ng negosyo nila ngayong ilang buwan na siyang nasa Pilipinas at umuwi rin naman sina Peter, Andy at Wulfric sa Pilipinas. Lahat ng mga ito kagaya niyang Filipino rin kaya nagkasundo sila.
Okay naman sana ang buhay ni Warren. Maganda ang trabaho niya at masaya rin siya sa mga kaibigan niya. Gusto rin niya ang mga pamangkin.
Pero nagbago iyon nang mamatay ang Kuya Warrick niya.
Nagbago ang pagtingin ni Warren sa mga bata. Hindi niya gustong tignan at alagaan ang mga ito. Naalala niya ang kapatid niya. Kamukha ito ng mga bata.
Hindi lang basta aksidente ang nangyari sa Kuya Warrick niya. Involved rin sa aksidente si Tricia---ex-girlfriend niya. Magkasama ang mga ito sa aksidente. Parehong namatay ang mga ito sa aksidente. It made him feel worse.
Break na sila ni Tricia bago ang aksidente. Kagaya niya ay Filipina rin ito na pinili lang mag-base sa America. Doon rin sila nagkakilala. Pero ilang buwan bago ang aksidente ay umuwi ito sa Pilipinas para magbakasyon. Hindi siya sumama dahil busy sa trabaho. Pero sinabihan niya ito na dalawin ang pamilya niya para makilala.
Naging malapit si Tricia sa Kuya Warrick niya. Nahulog ang loob nito sa kapatid niya, lalo na at patay na ang hipag niya. Nakipag-break ito sa kanya dahil roon.
Mahal na mahal ni Warren si Tricia kaya hindi niya matanggap iyon. At hindi niya lalong matanggap na pinatulan rin ito ng Kuya Warrick niya.
Naging close ang dalawa. Magkasama rin ang mga ito sa aksidente. Napakadaling isipin na may relasyon na nga talaga ang dalawa. Nagalit siya sa kapatid. Pakiramdam niya ay pinagtaksilan siya nito. Alam nito ang damdamin pa rin niya kay Tricia. Kaya naman sa tuwing nakikita niya ang mga pamangkin ay naalala niya rito ang dating hinahangaan pero taksil pala niyang kapatid.
Pero wala ng choice si Warren. Sa kanya lang puwedeng ipaubaya ang mga bata. Simula nang mamatay ang kapatid niya, siya na ang guardian ng mga ito.
“I hate you, Tito!” Lumayo sa kanya si Dianne. Mas lumakas ang hagulgol nito. Lumapit ito kay Dixie at nagpa-alo.
Nainis ang kaninang abala sa paglilinis ng kuko na si Dixie. Napapalatak ito. Sinigawan nito si Dianne. “Lumayo ka nga sa akin! Pangit ka na nga, mas pinapangit mo pa ang sarili mo sa pag-iyak na `yan!”
Mas lalong humagulgol si Dianne. Nilapitan ito ni Drake. “Ate, ang sama mo!”
Inirapan lang ito ni Dixie.
Lumakas ang iyak nina Dennis at Darwin. Pareho kasing ayaw nito ng gulo na siyang nag-uumpisa ng mangyari sa mga magkakapatid. Pero sa halip na aluin, inasar pa ito ng kakambal na si Daisy.
“Iyakin, iyakin!”
It was wild. It was almost a riot. Pero halos wala rin na naggawa si Warren. He was too pissed off to make peace with these horrible kids. Napakatigas rin ng ulo ng mga ito.
Pumasok ang nag-iisang permanenteng kasambahay nila sa kuwarto na si Manang Celia. Tinanong nito ang mga nangyari. Napabuntong-hininga ito nang magsumbong si Daisy.
“Ako na ang bahala sa mga bata. Magpahinga ka na,” Tinapik siya ng matanda.
Sinunod ni Warren ang matanda. In the first place, ayaw naman talaga niyang pumunta sa kuwarto. Pagod na siya sa trabaho. Ngayong nasa Pilipinas, inaasikaso niya ang naiwang business ng Kuya niya. Wala siyang choice. Business rin iyon ng pamilya na ipinamana lang sa Kuya Warrick niya. Ngayong patay na ito, sa kanya na iyon. Nakakapagod ang trabaho pero mas nakakapagod ang pag-aalaga sa mga pamangkin niya.
Routine na niya ang mag-story telling sa mga ito araw-araw. Ayaw naman sana niya pero mapilit ang mga ito. In-encourage rin siya ni Manang Celia na gawin ang mga iyon. Makakabuti raw iyon sa mga bata. Kinasanayan na kasi ng mga bata na magpa-story telling sa magulang ng mga ito noong buhay pa ng mga ito. Mas malulungkot ang mga ito kung pati ang routine ay mawawala rin sa mga ito. Mas makakabuti rin daw siya na siya ang magbasa dahil siya na lang ang nag-iisang totoong pamilya ng mga bata. Nire-request din daw siya palagi ng mga bata.
Bata pa lang si Warren ay kasambahay na nila si Manang Celia. Wala itong pamilya kaya sila na ang itinuring nito. Ganoon rin naman sila sa matanda. Napamahal na ito sa kanila. Kahit nang mawala ang magulang niya noong thirteen years old siya dahil sa isang plane accident ay hindi nila ito pinaalis. Ang Kuya Warrick niya na ang nagpasuweldo rito simula noon at naging bago nitong amo. Nang mag-asawa rin ang Kuya niya ay ito ang pinaka-maasahan sa bahay.
Malaki ang pasasalamat ni Warren kay Manang Celia. Kung wala ito, baka tuluyan na siyang mabaliw. Ito na lang kasi ang nagtitiyaga sa pamilya. Dati naman ay may dalawa pang permanenteng katulong sa bahay. Ang mga ito ang nag-aalaga sa bata. Pero nang mamatay ang Kuya Warrick niya ay nag-resign ang mga ito. Nahihirapan daw ang mga ito sa trabaho dahil naging mahirap pakisamahan ang mga bata kaysa dati. Naging maligalig ang mga ito. Sa kasalukuyan ay naghahanap sila ng bagong kasambahay pero hindi rin iyon madaling proseso. Mahirap magtiwala basta-basta.
Ganoon pa man, nahihiya si Warren kay Manang Celia. Halos wala na itong pahinga. Ito ang halos nag-aalaga sa anim na bata dahil abala rin siya sa trabaho. Mayroon pa namang dalawang kasambahay na dumarating para gumawa ng ilang mabigat na gawain sa bahay kagaya ng paglalaba, pamamlantsa at paglilinis pero hindi iyon stay-in. Tuwing wala ang mga iyon, si Manang Celia pa rin ang gumagawa ng lahat. Nagiging all-around pa ito.
Alam rin ni Manang Celia ang lahat sa kanya. Alam nito ang pinagdadaanan niya. Pero ang palagi nitong payo: mas may kakayahan siyang umintindi sa mga bata. Hindi siya dapat mag-inarte sa mga ito dahil hindi lang siya ang nasasaktan. Mas masakit ang pinagdadaanan ng mga ito kaysa sa kanya. Namatayan ito ng mga magulang sa maagang edad. Hindi siya dapat lumayo kahit gustong-gusto niya. Kailangan siya ng mga pamangkin niya.
Pero paano naman ang mga pangangailangan niya? Napaka-unfair ng buhay. Siya na nga itong niloko ng kapatid niya, siya pa rin ang aako sa responsibilidad nito.
Ganoon pa man, alam ni Warren na wala na siyang magagawa. This is his fate. He just has to live with it.
Pumasok si Warren ng kuwarto niya. Ang bahay na tinitirhan nila ng mga pamangkin ay ang bahay pa ng mga magulang niya kaya may sarili siyang kuwarto roon. Humiga siya kaagad sa kama. Gusto na niyang matulog. It’s been a long day. Isa pa, iyon na lang naman ang magagawa niya.
Warren couldn’t escape the reality no matter how much he wanted.
“THIS is your only choice, Snow. Kailangan mong tumakas…” Malungkot ang boses ni Hunter. Ibinaba nito ang hawak na kutsilyo.
Naiyak si Snow. “H-hindi puwede. Ayoko.”
“Wala kang choice, Snow. Kailangan mong umalis. Magpaka-layo-layo ka. `Wag dito. `Wag sa lugar kung saan puwede kang makita ni Evie.” Hinawakan ni Hunter ang pisngi ni Snow. “Hindi kita kayang patayin kaya please, umalis ka na.”
“Hunter…” Nanghihina na si Snow. Napakasama ng gabing ito sa kanya. Ginising siya ni Hunter---ang kanang kamay ng step mother niyang si Tita Evie. May hawak itong kutsilyo at itinutok sa kanya. Kailangan raw siyang patayin nito. Inutos raw iyon sa kanya ng step mother niya.
Nagmakaawa si Snow kaya natigilan si Hunter. Hindi na rin naman niya ipinagtaka iyon. Simula nang maging asawa ng Papa niya si Tita Evie tatlong taon na ang nakalilipas ay parang parte na rin ng pamilya niya si Hunter. Nakilala na rin niya ito. Mabait ito. Naging close rin sila sa isa’t isa kaya laking gulat niya nang malaman na papatayin siya nito.
“Sana ay maintindihan mo rin ako, Snow. Pinagbantaan rin ako ng Tita Evie mo. Kung hindi ko gagawin ang utos niya ay mapapahamak ang pamilya ko.” Napaiyak na rin si Hunter. “Mahal kita, Snow. Pero mas mahal ko ang pamilya ko…”
“Mahal mo ako…” Lalo yatang naiyak si Snow sa nalaman.
Mapait na napangiti si Hunter. “Matagal na. Kaya nag-aalinlangan rin ako na gawin ito. Pakiramdam ko, kapag pinatay kita ay parang pinatay ko na rin ang puso ko.”
“M-mahal rin kita, Hunter. Kaya ayokong lumayo. Kapag umalis ako, baka hindi na kita makita. Hindi na kita makakasama…”
Dalawampu’t dalawang taong gulang na si Snow. Pero kahit sino, walang lalaki ang umagaw ng atensyon niya kung hindi si Hunter lang. Paano kasi, masyado siyang protektado ng Papa niya. Home-school siya mula elementary hanggang college. Noong college siya ay online education program siya nag-enroll at naka-graduate.
Snow was an only a child. Her father treated her like a princess. Sa katunayan, ipinangalan rin siya ng mga magulang sa paboritong fairy tale princess ng Mama niya---si Snow White. Isa pang dahilan ay dahilan ay dahil halos kaparehas rin niya ang physical appearance ng sikat na fairy tale character. She has skin as white as snow, hair as black as an ebony and also lips that red as snow.
Mahal na mahal si Snow ng ama niya. Gusto nito na palagi siyang nakikita nito. He also wanted the best for her. Mahal rin naman ni Snow ang Papa niya kaya sinunod niya ang lahat ng utos at gusto nito.
Walang masyadong kaibigan si Snow. Si Hunter lang ang masasabi niyang naging malapit sa kanyang lalaki. Ilang taon lang kasi ang tanda nito sa kanya. Sa tuwing lalabas rin sila, palagi itong kasama ng pamilya dahil sa Tita Evie niya. Dahil palagi siyang pinapaalis ng Tita niya kapag lumalabas ang pamilya para ma-solo ang Papa niya, kay Hunter siya laging naiiwan. Naging close sila.
Guwapo at mabait rin si Hunter. Hindi ito mahirap mahalin. Gusto niya ang pakiramdam kapag kasama niya ito.
“Magkakasama pa rin tayo, Snow. Hindi man sa ngayon. Pero hahanap ako ng paraan. Masyado pa lang magulo sa ngayon ang sitwasyon. Wala akong kontrol sa stepmother mo. Natatakot rin ako na kapag hindi ko ginawa, malamang ay siya na ang personal na papatay sa `yo. Kilala mo siya. Makapangyarihan rin siyang tao. Wala tayong laban sa kanya.”
Nang mamatay ang Papa ni Snow ay may na-discover silang isang nakakilabot na balita: involved sa isang malakihang drug trade sa Maynila ang stepmother niya. Marami itong koneksyon. Puwedeng-puwede talaga siyang mapahamak rito.
“Galit siya sa `yo. Greedy rin siya. Kailangan niya ang mana mo…” dugtong pa ni Hunter.
Isang buwan ang nakalilipas nang mamatay ang Papa niya sa sakit sa puso. Nagulat ang lahat nang malaman na sa kanya ipinamana ng Papa niya ang lahat ng ari-arian nito.
Mayaman ang pamilya ni Snow. Maraming properties sa probinsya at kahit sa Maynila ang Papa niya. May mga farm sila sa Cavite, Laguna at Batangas. Malaki rin ang savings ng Papa niya kaya malaki talaga ang makukuhang mana ni Snow.
Pero sa kabila ng lahat, sa hindi maintindihang kadahilanan ay wala man lang iniwan ang Papa niya sa stepmother. Nagalit ito---mas matindi kaysa sa galit na nakikita niya rito kahit noong buhay pa ang Papa niya.
Alam niyang ayaw sa kanya ng stepmother. Pero hindi niya maituloy ang akusasyon. Wala siyang makitang magandang dahilan para magalit sa kanya ang stepmother. Naging mabait siya rito. Mabait siya sa lahat ng tao. Iyon ang palaging paalala sa kanya ng mga namayapa niyang mga totoong magulang. Maging mabait ka at magiging mabait rin ang lahat sa `yo. Pero bakit hindi iyon effective sa stepmother niya? Bakit siya kailangang ipapatay nito? Willing naman siya na ibigay rito ang ilan sa mga mana niya. Nakausap na rin niya ito.
Pero kulang pa pala ang lahat ng iyon.
“Sigurado ba `yan?”
Tumango si Hunter. Hinalikan nito ang ulo niya. “Now, run. Run as fast as you can. Magpakalayo-layo ka. Bilisan mo. Kailangan mong maging ligtas.”
“Paano ka?”
“Magiging okay ako. Palalabasin ko sa stepmother na pinatay kita sa labas. Ako na ang bahala sa lahat. Mapapahamak ako pero okay lang iyon, basta maging okay ka lang…”
Naiiyak si Snow pero pinilit niyang lakasan ang loob. Niyakap niya si Hunter. “Salamat. I owe you my life. I love you. We will be together…”
“I promise…” Hinalikan ni Hunter ang tuktok ng ulo niya. “Wait for me…”
Tumango si Snow. Tinulungan siya ni Hunter na makaalis ng bahay. Sumakay siya ng taxi. Nagpahatid siya sa unang lugar na unang pumasok sa isip niya. Pero sa kasamaang palad, dahil sa pagmamadali, nalimutan niyang kahit pala pera ay wala siyang dala. Nang sabihin niya ang problema sa driver ay nagalit ito sa kanya. Ibinaba na lang siya nito basta.
Hindi alam ni Snow ang lugar kung saan siya ibinaba ng driver. Naglakad-lakad siya. Bahala na. Kailangan niya nang lugar na samantalang mapapagtaguan.
Napadpad si Snow sa tapat ng isang malaking bahay. Nag-door bell siya at humingi ng tulong.
WALANG gana si Warren nang magising. Pero ano pa ba ang bago? Simula nang malaman niya ang pagtataksil sa kanya ng Kuya Warrick niya ay naging ganoon na siya. Napakasakit ng ginawa sa kanya ng Kuya Warrick niya.
Para kay Warren ay wala ng saysay ang buhay niya. Si Tricia ang buhay niya. Ang pag-asa na magkakabalikan sila ang madalas na nagbibigay sigla sa buhay niya nang makipag-break ito sa kanya.
Wala na ang Kuya Warrick niya. Wala na siyang kaagaw. Pero wala na rin si Tricia. Napakasakit ng lahat.
Napakalaki ng kasalanan ng Kuya Warrick niya sa kanya. At ito siya, stuck in a life with his brat kids.
“You are annoying!” Matinis ang boses na sigaw ni Daisy.
Sabado ngayon. Pero gustuhin man ni Warren na magpahinga dahil wala naman siyang trabaho, hinding-hindi niya iyon makukuha sa bahay. Hangga’t naroroon ang mga pamangkin niya ay walang kapayapaan roon.
Bumangon si Warren ng kama. Pumunta siya sa dining room. Alam niya na naroon ang mga pamangkin niya. Pero hindi siya pumunta roon para makita ang lagay ng mga ito. Gutom na lang rin talaga siya. O gutom nga lang ba talaga ang lahat? Dahil nang makita kung sino ang inaaway ni Daisy ay nakialam siya.
Maraming beses na sinasabi ni Warren na wala na siyang pakialam sa mga pamangkin niya. Ayaw na niya. Napapagod na siya. Pero bakit umuuwi pa rin siya sa bahay ng mga ito? Bakit nangangamba pa rin siya nang makakitang may estranghero na inaaway ang pinaka-demanding niyang pamangkin? Maybe, he really still cares about them. Ayaw niyang pabayaan ang mga ito kahit galit siya sa pinagmulan ng mga ito. Pagkatapos ng lahat, ang mga bata na lang rin naman kasi ang pamilya niya.
“Sino ka?!”
Nilingon si Warren nang hindi pamilyar na babae na nasa hapag kainan. Napakurap siya.
Puno ng pag-aalinlangan at lungkot---iyon ang nabasa ni Warren sa mga mata ng babae. May mainit na kamay na humaplos sa puso niya. Parang naawa rin siya sa babae. Kaya ba ito malungkot ay dahil pinagalitan ito ng pamangkin niya? Pero bakit naman siya maaawa? Ni hindi niya nga kilala ang babae. Bakit ba ito nasa loob ng pamamahay nila?
Tumikhim si Manang Celia. Hinawakan nito sa balikat ang babae. “Warren, ito nga pala si Snow. Siya na ngayon ang mag-aalaga sa mga bata.”
“Kagabi ay wala pa siya rito. Bakit siya narito?”
“Ah, eh, pinatuloy ko siya kagabi. Naawa ako. Humihingi ng tulong. Kailangan niya raw ng matutuluyan.”
“Estranghero pa rin siya. Hindi dapat kayo basta-basta nagtitiwala!”
May kaya ang pamilya nila. Maraming mapang-abuso na tao ngayon. Paano kung isa ang babae sa mga iyon?
Nagkamot ng ulo si Manang Celia. “Naawa ako sa kanya, Warren. Kailangan daw niya ng matutuluyan. Inalok ko na lang siya na maging kasambahay kapalit ng tulong. Pumayag siya. Kung hindi rin naman natin siya magugustuhan, madali naman siyang paalisin.”
“Ano? Ganoon kabilis? Paano kung masamang babae pala `yan?”
“Mukha naman siyang mabait.” Bumuntong hininga si Manang Celia. “I’m sorry. Alam ko na mabilis ang lahat ng ito. Pero nahihirapan na rin talaga ako, Warren. Magulo ang mga bata at ako lang madalas ang nag-aalaga sa kanila. Kailangan ko na talaga ng makakatulong.”
Naawa naman si Warren sa matanda. Tama naman ito. Matagal na silang naghahanap pa ng kasambahay pero nahihirapan silang makakuha. Pero dapat ba talagang magtiwala si Warren sa babae? Dapat bang magtiwala na lang rin siya basta-basta? Natuto na siya ng malupit na lesson tungkol sa “trust”. Ang kapatid nga niya na mahal na mahal at inidolo niya simula pagkabata ay sinira ang tiwala niya. Paano pa kaya ang isang estranghero?
“She looks strange…” wika ni Warren nang titigan muli ang babae. Pero maya-maya ay gusto rin niyang itama ang sinabing statement.
The feeling is strange…
Una ay naawa si Warren sa babae. Parang pinalambot nito ang puso niya. Ngayon naman ay parang biglang bumilis ang tibok ng puso niya.
Maganda ang babae. Maitim ang buhok nito, matangos ang ilong at mapupula ang mga labi. May kaliitan ito pero hindi naman iyon nakaapekto sa kagandahan nito. Maganda kasi ang tayo nito. Tama lang rin ang laki ng katawan nito sa tangkad nito. Pero ang pinaka kapansin-pansin sa babae ay ang napakakinis nitong kutis.
Her skin is as white as a snow. Naalala tuloy ni Warren ang paboritong fairy tale ng mga pamangkin---si Snow White. At teka, ano nga ang sinabi ni Manang Celia? Snow ang pangalan ng babae. She looks like she is the character from the popular tale that came into life.
“Yes, Tito. And she’s annoying! I want her out of here…”
Napatingin si Warren kay Daisy. Marami ang nagsasabi na sa lahat ng pamangkin niya, si Daisy ang pinakamasama. Madalas na sinasabi ng Kuya at Ate Delilah niya na hindi dapat tino-tolerate si Daisy. Madalas na hindi nila sinusunod ang gusto nito dahil kadalasan ay puro kasamaan iyon.
Pero siguro ay sawa na rin si Warren na pakinggan ang mga “tama” raw na ginagawa ng mag-asawa sa buhay. Pagkatapos ng lahat, napatunayan niyang hindi rin naman totoong mabait ang isa sa mga ito. Hindi dapat lahat ng sinasabi ng mga itong tama ay pinapakinggan.
Sa huli, sinunod ni Warren ang gusto ni Daisy.

