Prologue

Jul 1, 2026
NovelAI Studio - Explore our Top 10,000+ Free Novels
“Classmates, sinong gustong bumili ng pastillas? Masarap ito. Gawa namin ng Nanay ko. Naku! Sa pinanggalingan kong school bentang-benta ito,” anunsiyo ni Patrice sa mga kaklase niya sa Broadcast Communication I-1 sa Central University of Asia. Iyon ang pangalawang araw niya sa klase at sinamantala niya ang pagkakataon na makapagbenta habang di pa dumadating ang professor nila. Dahil block section naman siya kaya naisip niya na pwede na siguro niyang simulan ang pagnenegosyo. “What kind of pastillas is that again?” tanong ng kaklase niya na mukhang artistahin na si Sari. Papasok lang sa paaralan ay nakakulot pa ang buhok at kuntodo ang make up. “Pastillas de leche ito. Pero may pastillas ube din. Gusto mo?” nakangiti niyang alok. Yes! Sa wakas ay may una na siyang customer. Maganda ito kaya siguro ay maganda itong pang-buena mano. “I mean, what brand is it?” nakangiwing tanong ni Sari. “Didn’t you hear? It is just homemade,” sabi din ng kaibigan nito na si Chynna na di man kagandahan ay mukha namang makinis. Parang di dinadapuan ng alikabok ang balat. “Doesn’t look like a sosyal homemade though. Isn’t she the scholar from the slums?” narinig niyang tanong ng isa pa niyang kaklase na lalaki na patpatin at naka-pomada pa ang buhok. Ito ang kumausap sa kanya kahapon dahil sila ang nauna sa classroom. Akala niya ay pala-kaibigan ito pero ngayon ay mukhang di na. Isa rin ito sa ipinagdidiinan na galing siyang squatters area at hindi siya sosyal. “Excuse me? Don’t you know that you are not allowed sell items here without the school’s permission? It is not the same as the public school where you came from,” anang kaklase niyang si Matilda na seatmate niya kahapon. Akala niya ay mabait ito. “Baka madumi pa iyan. I bet walang sanitary permit. Will you handle our medical bills if we get sick from your dirty pastillas?” may kasungitang tanong ni Damian, ang anak ng isang mayor sa Norte. Sabi pa nito na kung kailangan niya ng tulong ay lapitan lang siya nito pero ngayon ay ito pa ang nagpapasama sa kanya. “Grabe naman kayo. Di naman madumi at nakakadiri ang pastillas na tinda ko. Wala pa naman sa kaklase ko mula elementary ang nagkasakit dahil doon,” depensa ni Patrice. “Of course. They are destitute people. Sanay na ang tiyan nila sa maruruming pagkain. Don’t compare them to us,” nakatirik ang matang sabi ni Sari. “I think we should tell the dean about this incident. This is against the school policy. She will make our class look cheap,” anang si Chynna at sinang-ayunan iyon ng iba pa niyang kaklase. Napapatda si Patrice. Wala pa siyang isang linggo sa university, sa dean’s office agad ang bagsak niya? Di bale sana kung adelentada siyang estudyante. Hindi naman. Bakit ba dito siya nag-enroll? May iba namang school na may scholarship para sa kanya. Pero ito ang pinili ng ina niya para sa kanya dahil iyon ang pinakamamahalin sa lahat ng paaralang magbibigay sa kanya ng scholarship ay sinabi ng ina na tiyak na maraming bibili ng pastillas na ibinebenta nila dahil mayayaman ang estudyante doon. Ayaw niyang maramdaman na kawawa siya. Gusto niyang pagmumurahin isa-isa ang mga kaklase niya na mapanlait sa kanya. Ayaw niyang magmura. Nangako siya sa nanay niya na siya magmumura dahil gusto nitong maging iba ang buhay niya kaysa sa mga kapitbahay nila. Gusto daw nito na maging pino siyang kumilos kaya doon din siya nito pinag-aral. Pero ngayon ay parang gusto na niyang magsisi. Sana sa state university na lang siya nag-aral. Sana ay kasama na lang niya ang mga kaibigan niya na bukod sa tanggap siya at nakaka-relate siya ay di siya mamaliitin. Wala siyang makakasamang kumain ng isaw sa school na iyon. Lalong walang bibili ng masasarap na pastillas na gawa ng nanay niya. Kung wala siyang mabebentang pastillas, di niya alam kung saan siya kukuha ng baon. Nagulat siya nang magsalita ang lalaki sa tabi niya. Mukhang kapapasok pa lang nito sa classroom. “Pabili ng pastillas. Isang balot. “Ha?” usal ni Patrice at natigagal sa lalaki. Cute. Iyon agad ang pumasok sa isip niya. Di dahil maliit ito dahil matangkad ito. Sa palagay niya ay nasa sixteen lang ito gaya niya pero parang poste na ang tangkad nito. Nasa 5’9” marahil ito at makisig ang tindig kahit na white T-shirt at pantalong maong lang suot nito. Naka-brush up ang buhok nito. Nakangiti ang mapupungay nitong mata at matangos ang ilong nito. Tumigil ang mundo niya nang ngumiti ito at sumilay ang dalawang malalim na dimples nito sa magkabilang pisngi. Pero wala siyang oras para matulala sa lalaking ito na di niya alam kung saan nanggaling. Guwapo ito at mukhang maamo ang mukha pero ganoon din naman ang ibang kaklase niya na nanghahamak sa kanya ngayon. “Bibili ka?” tanong niya sa lalaki. “Oo naman. May pera naman ako pambili,” sabi nito at inilabas ang wallet. “Malay ko ba kung kasabwat mo sila at isusumbong mo ako sa dean ng school,” aniya at ngumuso sa mga kamag-aral. Inilabas nito ang isandaang piso at inabot sa kanya. “Heto ang bayad ko. “Wala akong pangsukli,” angal niya. “Beinte lang naman isang balot. Wala ka bang barya diyan? “Ipunin mo. Basta isang linggo akong may isang balot sa iyo,” sabi ng lalaki at saka binuksan ang balot. “Kakainin mo talaga iyan?” tanong niya sa lalaki. Hindi ito nandidiri? Hindi siya nito hihingan ng sanitary at health permit? “No, Calden! Baka bumula ang bibig mo diyan,” anang babae at tinangkang agawin ang isusubong pastillas ng lalaki. Pero isinubo ng lalaki ang pastillas at kinakabahan si Patrice na pinagmasdan ito. Paano kung bumula nga ang bibig nito? Sensitive nga naman ang sikmura ng mga tao doon. Baka ma-expel pa siya at di na makapag-aral. Baka sa kangkungan siya pulutin. “Okay ito a!” sabi ni Calden at sumubo pa ulit ng panibagong pastillas. Sunud-sunod iyon hanggang mapangalahati. “Bumubula na ba ang bibig ko?” Pare-parehong umiling ang mga kaklase nila. “Siguro kailangan isang buong balot pa ang ubusin ko, no? This is good. Di matabang. Tama lang ang timpla. Who made these again? “N-Nanay ko at a-ako,” sagot ni Patrice. “Akin na iyan,” sabi ng lalaki at kinuha ang plastic bag niya ng pastillas. “Ako na ang magbebenta nito. Kung sino ang gustong magsumbong sa dean ngayon, magsabi na kayo. Dali! “I wanna buy!” nangungunang sabi ni Sari at itinaas ang kamay. “Me, too, Calden!” tili ni Chynna at nakipagbalyahan pa kay Sari. Hindi makapaniwala si Patrice sa bilis ng pangyayari. Bukod sa di na binatikos ng mga kaklase niya ang tinda niyang pastillas, nag-una-unahan pa ang mga ito na bumili kay Calden. Ano bang mayroon sa lalaking iyon at dinudumog ng mga tao? May gayuma ba itong taglay? Kahit yata magbenta ito ng gamit nang toothpick ay bibilhin pa rin ng mga sosyal nilang kaklase. Wala pang limang minuto ay nakangiti itong lumapit sa kanya. Wala nang laman ang plastic bag na puro pastillas kanina at napalitan iyon ng perang napagblihan ng pastillas. “Ayan, Pastillas Girl! Nabenta na lahat. Heto lahat ang napagbentahan. Bilangin mo na lang. “Salamat,” sabi niya pero parang di pa rin sapat ang salitang iyon. Di niya alam kung paano ito pasasalamatan nang tama. Naibenta agad nito ang pastillas niya kahit na tinarayan naman niya ito. “Ano... Sobra na ito. Sino pa ba ang may sukli? “Keep the change daw sabi nila.” At itinuro ang mga kaklase nila na enjoy na enjoy sa pagkain ng pastillas. “Barya lang naman sa kanila iyan. Hayaan mo na. “Sa iyo na lang ang sobra. Tinulungan mo naman akong magbenta. Umiling ito. “Di na kailangan. Mas kailangan mo iyan. Basta gusto ko ulit ng pastillas bukas. “Bakit ginagawa mo ito? Bakit mo ako tinulungan?” tanong niya. “I admire people who work hard despite young age. Di sila nahihiya na magtrabaho. Alam ko rin kung paano magtrabaho sa kabila ng batang edad. “Working student ka rin?” tanong niya. Nagkibit-balikat ang lalaki. “In a way. Gumaan ang loob niya sa lalaki. Kahit paano ay may nakakaintindi pala sa pinagdadaanan niya para kumita. At higit sa lahat ay di ito isnabero. “Ako nga pala si Patrice,” pagpapakilala niya at inilahad ang kamay. “Patrice.” Binanggit nito ang pangalan niya na parang haplos ng hangin. Kinamayan siya nito. “Nice meeting you, Pastillas Girl. Hindi alam ni Patrice kung bakit parang tumigil ang oras nang mga sandaling iyon. As if everything was frozen. Kahit siya ay pigil ang hininga nang gagapin ng lalaki ang kamay niya. Bakit nararamdaman niya ito? “A-Anong pangalan mo pala?” tanong niya. “I am Calden. Calden Faulkner. Naghiwalay sila at kanya-kanyang upo nang pumasok ang matandang lalaki na nakasuot ng long sleeve shirt, slacks at leather shoes. “Good morning class! I am your instructor for the class Mass Communication 101. Hindi na niya naririnig ang sinasabi ng guro nila. Ang tumitining lang sa isip niya ay ang pangalan ni Calden Faulkner. “You are so lucky, girl. That is Calden Faulkner,” bulong sa kanya ni Matilda. “Hindi ka lang niya basta kinausap. Tinulungan ka pa niyang magbenta ng pastillas mo. He is really an effective endorser. Kahit siguro lason bibilhin pag siya ang nag-endorse. “Pwede nga siyang maging commercial model,” sabi niya. “Jeez! Wala bang TV sa slums? Model siya ng jeans and softdrinks and that chocolate which made me so fat. Even geeks like me know him. Hindi lang siya nakapasok dahil may commercial shoot siya kahapon. Mukhang masisira na naman ang diet ko sa pagbili ng pastillas mo dahil kay Calden. Caldlen Faulkner. Kaya pala ito pamilyar sa kanya. Ito nga ang model na paborito ng mga kaibigan niya. Ayaw lang niyang aminin na di siya nakakanood ng TV dahil nasira ang TV nila at wala silang pambili ng nanay niya. Ipinagtanggol siya nito sa matapobre niyang mga kaklase at tinulungan pa siya nitong magbenta ng pastillas. Astig! At magkaklase pa sila ngayon. Hindi naman pala masama kung mag-aral siya sa Central University of Asia kung may Calden Faulkner sa buhay niya. At dahil may utang pa siyang pastillas dito, may dahilan pa para mag-usap sila sa mga dadating na araw.