Prologue

Jul 1, 2026
NovelAI Studio - Explore our Top 10,000+ Free Novels
Papalabas si Kroen sa kanyang silid—isang hindi pa bumubukang bulaklak na rosas na sa kasabay ng paglaki niya ang paglaki rin ng bulaklak—nang marinig niya ang tinig ng ina. “Saan ka na naman pupunta, Kroen?” pigil nito sa kanyang tangkang paglipad palabas. Nahinto si Kroen at muling tumiklop ang mayabong na kulay dilaw na pakpak. Ang mga katulad niyang lambana ay may pakpak ng sa kulisap o di kaya ay sa paru-paro. Ang naging kawangis ng kanyang mayabong na mga pakpak ay ang sa mga paru-paro.Asul ang mga mata ni Kroen at may napakagandang tuwid at hanggang balikat na buhok. Nakasabit sa batok ang terante ng damit niya na bukas ang likuran hanggang sa bewang. “Diyan lang po sa tabi-tabi ina.” tugon niya. Wala naman talagang magulang ang mga katulad nila. Lumilitaw sila sa unang tawa ng bagong panganak na sanggol. At kung sinong lambanana malapit sa bulaklak na nilitawan nila ang tumatayong mga magulang nila. Sa kaso niya ay iba. Kilala siya sa daigdig nila dahil hindi siya basta lumitaw lamang sa ibabaw ng isang bubot na bulaklak. Ipinanganak siya ng kanyang ina. Kalahating tao at kalahating lambana lamang si Kroen. Ang kanyang ama ay isang mortal na pinarusahan ng kanilangkonseho at dinala sa kanilang daigdig dahil sa isang kasalanan. Doon na ito nanirahan sa kanilang mundo dahil hindi noon nagawang tapusin ang parusa sa nakatakdang oras. Umibig at inibig ito ng kaniyang ina hanggang sa magkaroon ng bunga—siya. Kaya lang, hindi naman niya nakilala ang ama. Bago siya isilang ay naglaho na iyong parang bula. “Inuulit ko sayo Kroen, kailanman ay hindi na magbubukas ang lagusan. Nakalimutan na tayo ng iyong ama. At wala nang kahit na sino ang pwedeng makaalala ng tungkol sa Engkantasya. Masasaktan ka lang sa parating pag-asa mo na may paraan para makatawid sa kabilang mundo. Hindi na niya mabilang kung ilang daang libong beses na niyang narinig ang pagsaway na iyon sa kanya ng kanyang ina. Matagal ng nawalang parang bula ang kanyang ama. Walang kahit na sinong makapagsabi kung saan ito napunta o kung buhay pa ito. Tanging ang konseho lamang ang nakakaalam dahil ang mga iyon ang nakakakita ng lahat ng nangyayari sa kanilang daigdig at sa kabila. Masakit mang tanggapin pero nakatitiyak siyang nakabalik na ang kaniyang ama sa daigdig nito. Ang gusto lang niyang malaman ay kung paano at bakit noon mas piniling iwan sila? Sila na sarili nitong pamilya. Hindi ba sila nito mahal? Wala ba silang halaga para rito? “Alam ko po ina. Hindi na po ako pupunta roon. Makikipagkita lamang ako sa mga kaibigan ko. Bumuntong-hininga ang kanyang ina at hindi na muling nagsalita. Ganoon palagi ang sinasabi niya sa tuwing pangangaralan siya nito subalit hindi naman niya sinusunod ang ipinangako. Parati pa rin siyang sumisilip sa lagusan. Tinitingnan niya iyon kung may bakas na magbubukas. Ang sabi ng konseho, hindi iyon mabubuksan hangga’t walang mortal na makakaalala ng daigdig nila. Hangga’t walang nasasalat na patunay sa kabilang mundo na may daigdig na tulad ng sa kanila. At paano nga bang mangyayari iyon? Kung wala pa namang kahit na sino ang nakapasok at umalis sa daigdig nila na may alaala galing rito? Ang sinumang mortal na nakarating sa mundo nila at muling nakabalik sa mundo ng mga ito ay nakakalimot. Kung may maliit mang alaala ay lumalabas na isang panaginip lamang sa mga ito ang bagay na iyon. “Aalis na po ako ina. Hindi na hinintay ni Kroen na magsalita pang muli ang ina at lumipad palayo sa bulaklak. Alam na alam na naman niya ang mga sasabihin nito. Pipigilan na naman siya sa plano niya. Maski itanggi niya sa ina, hindi iyon naniniwala na hindi siya nagpupunta sa lagusan. “Kroen! Napalingon si Kroen sa tumatawag. Si Xeen! Kasunod nito ang iba pang miyembro ng barkada nila. Pito sila sa barkada at pare-parehong mga lambanang may pakpak ng mga paru-paro. Si Xeen ang pinakamaingay at pinakamaharot. Ito na yata ang naging tagapagbalita sa kanilang grupo ng kung anu-anong mga bagong kaganapan sa kaharian ng Engkantasya. Mahaba ang kulay pula nitong buhok bagaman maputlang pula ang mayabong rin nitong pakpak. Ang damit nito ay hindi na rin nalalayo sa kulay ng buhok at pakpak. Kaya lamang ay mabunyag ang yari ng kasuotan nito. Manipis ang terante ng bestida ni Xeen at bukas ang likuran hanggang bewang. Gula-gulanit pa ang laylayan noon na halos makita na ang hindi dapat makita. Naging konsolasyon nalang ng kasuotan nito ang mahaba nitong buhok na hanggang balakang. Kahit paano ay nakatutulong iyon upang itago ang mga dapat itago. Si Rosette ang pinakamahiyain sa kanilang apat. Hindi niya masabi kung anti-social ba ito o sadyang hindi ito mahilig makisabay sa kasiyahan ng nakararami. Dito nga nila nakuha ang ideya ng pagkakaroon nila ng sariling pagdiriwang ng paboritong panahon ng mga lambana. Hindi raw kasi nito nais na makisalamuha sa mga panauhing engkantado mula sa iba’t-ibang kaharian. Lalo na ang mga engkantado ng tubig at mga engkantado ng ulap. Si Zayleigh ang uri na hindi basta-basta nagtitiwala. Minsan na raw kasi itong nagtiwala sa hindi nila kauri subalit pinagtaksilan lamang ang katapatan nito. Kulay berde ang buhok ni Zayleigh at malamlam na berde naman ang pakpak nito. Katulad niya, may guhit rin ang paligid ng mayabong nitong pakpak ngunit kulay dilaw ang guhit noon. Madilim na berde ang bestida nito na puntas ang likuran bilang aksesorya. Katulad niya ay hanggang sa gitna ng hita rin ang haba noon at wala ring terante. Patag at walang anumang kulubot ang bestida nito at ang tanging aksesorya ay ang korteng bulaklak sa isang tagiliran at ang yari sa puntas na likuran. Mahilig ito sa musika at parang walang ibang nais kasama kundi ang tambol at stick nito. Si Caiorroa ang pinakasuplada, at napakaselosa, pero mabait naman ito sa kanila. Hindi lang talaga ito palaimik at mapaghayag ng damdamin. May mga sandali rin na lumalabas ang pagkamasiyahin nito ngunit mabibilang ang mga panahon na iyon. Ayaw nito sa mga unfaithful na nilalang at kung sakaling magbitiw ito ng pangako, napakaimposible na hindi nito tuparin iyon. Kaya lang ay dapat na ganoon rin dito ang mga nasa paligid nito. Bagay rito ang lila nitong buhok na hanggang ibabaw ng bewang nito ang haba at kulay lila rin na pakpak. Hindi na rin nalalayo ang kulay ng bestida na suot nito kaya lang ay mas malamlam ang kulay noon kumpara sa buhok nito. Masasabi niyang kung sila ni Rosette ay may pagkakonserbatibo sa kanilang suot ay pumapangalawa at pumapangatlo lamang sila sa pagkakonserbatibo kay Caiorroa. Bagaman hanggang ibabaw ng tuhod ang laylayan ng bestida nito sa bandang unahan, napakahaba naman noon sa hulihan. Ang manipis na manggas ng suot nito ay kasing haba na rin ng bestida nito subalit gula-gulanit naman ang mga iyon. Makikita pa rin ang magagandang braso nito sa tuwing kumikilos si Caiorroa. Sina Rosette, Simone at Vymerra ay halos hindi nagkakalayo ng anyo. Kulay asul si Rosette na may pagkamahiyain, kulay dalandan si Simone na pinakamabait sa kanilang lahat at kulay pink naman si Vymerra na pinakamasiyahin. Lahat sila ay halos pare-pareho ang detalye ng mukha. Matatangos ang ilong, maninipis ang mga labi at matitilos ang mga tenga. Nagkaiba-iba nga lamang sila sa kulay ng mga mata at sa korte ng mukha. Ang pulseras nila sa mga braso ay halos nagkakatulad rin, maliban sa kulay at sa paraan ng pagsusuot. “Saan ka na naman pupunta?” tanong ni Xeen sa kanya. Lumipad ito palapit kay Kroen at nagpaikot-ikot sa kaibigan na wari ay pinag-aaralan ang kanyang hitsura. “Diyan lang.” tugon ni Kroen. “Sa lagusan?” tanong-saad ni Caiorroa. Nakalapit na din ang lima pa. Naupo sa isang sanga si Zayleigh, bitbit na naman ang tambol nito na pinagpapraktisan bilang paghahanda sa pagtugtog mamaya sa pagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan. Napabuntong-hininga si Kroen. Hindi siya naglilihim sa mga kaibigan kaya’t alam ng mga ito ang totoong plano niya. “Hindi mo na kailangang pahirapan ang sarili mo, Kroen. Bakit hindi ka nalang dumaan sa kabilang lagusan pumunta sa bahay ng mga mortal maski nasa anyong lambana ka pa din, manghalik ka ng lalaki para maging tao ka.” Suhestyon ni Zayleigh. “At para namang ganoon kadali iyon, Zay.” Sita ni Simone rito. “Kailangang palagi siyang nakadikit sa lalaking iyon at kung hindi siya matutunang mahalin sa loob ng tatlompung araw ay mamamatay siya. Hindi sumagot si Zayleigh, sa halip ay pumalatak lamang. Dalawa ang lagusan ng mga engkantada. Ang una—at madalas nilang tawiran tuwing nais makisalamuha sa mga tao— ay ang normal na lagusan na may taga bulag sa mga mortal sa tuwing tatawid sila. Malaya silang makakasalamuha ng mga iyon ng hindi namamalayan ng mga mortal. Subalit nasa anyong maliit na lambana sila at may limitasyon ang lugar na pwede nilang puntahan. Hindi sila maaaring makatawid ng kabilang baryo. Ni hindi sila pupwedeng lumapit sa mga lugar na maraming tao o dinaraanan ng tao. At kung ang lagusang iyon angparating pagtyatyagaan niya, paano niya mahahanap ang kanyang ama? Wala na talagang mas hihigit sa pangalawang lagusan. Ang lagusan na nagsara dahil walang kahit na anong patunay na may taong nakakaalala at nakakaalam ng patungkol sa daigdig nila. Iyon ang nagsisilbing susi ng lagusan patungo sa kabilang mundo. Kapag doon siya dumaan, instant na magiging tao siya. Makakarating siya sa mas malayong lugar. Maski hanggang isang daang araw lamang ang palugit ay maaari naman siyang maglabas-masok sa kabilang mundo hangga’t hindi nasisira ang susi. “Bakit tahimik yata si Caiorroa?” puna ni Rosette. “Baka nag-iisip ding maging tao.” Nakangising biro ni Vymerra. “May nagugustuhan ka din sa kabilang mundo, ano Cai? “Pwede ba? Tigilan niyo akong dalawa!” asik ni Caiorroa sa mga kaibigan. “Nagtatanong lang ako, Cai. Itong si Vymerra ang madaming sinasabi.” Turo ni Rosette. “Ano?” Umiling-iling si Vymerra nang bumaling si Caiorroa rito. “Ikaw naman, hindi ka na mabiro. “Zayleigh, alam mo na ang gagawin.” Baling ni Caiorroa kay Zayleigh. Tumayo si Zayleigh at nagpapalagutok ng daliri na marahang lumipad palapit kay Vymerra, nakangisi ito. “Teka lang. Nagbibiro lang ako. Sandaliii!!! Mabilis na lumipad palayo si Vymerra. Hinabol ito ni Zayleigh. Alam na niya ang gagawin ng huli sa una. Kikilitiin ni Zayleigh si Vymerra hanggang sa magmakaawa itong tumigil na ang una. Napailing nalang si Kroen at nagtangkang lumipad palayo. “Hihintayin ka namin sa party mamaya, Kroen!” pahabol na sigaw ni Xeen. Ngumiti siya at kumaway sa mga kaibigan. Ilang sandali pa at naroroon na siya sa harapan ng mahiwagang lagusan. Isang malaking puno na may pabilog na butas sa katawan ngunit sa mismong butas ay may hindi nakikitang harang. Nakikita mula roon ang mundo ng mga tao ngunit hindi naman magagawang itawid ang maski kamay ng kahit na sinong lambana. Siguro ay aabutin na naman siya ng hanggang takipsilim na magbabantay roon. Gusto niya kasing makasigurado na hindi niya mapapalagpas ang anumang senyales na magbubukas ang mahiwagang lagusan. Nakikipaglaro si Kroen sa mga bubuyog habang naghihintay. At ang mga paru-paro naman na mga kaibigan niya ay tumutulong rin sa kanyang magbantay. Limang minuto ang lumipas na nag-aabang siya ng mapaisip. “Tama pa ba talaga ito? Sa panahon ng mga mortal, animnapung taon ko na itong paulit-ulit na ginagawa. Ang maghintay sa lagusan. Pero wala naman itong ipinagbabago. Walang kahit anong indikasyon na magbubukas ang lagusan.” Pagkausap niya sa sarili. Nakapagtatakang wala ang mga bubuyog at paru-parong kaibigan niya. Pati ang manliligaw niyang tutubi na parati siyang inaanyayahang sumakay sa likod noon ay wala rin sa lugar na iyon. Nagpaikot-ikot si Kroen sa puno ng mahiwagang lagusan. Pinagmasdan niyang maigi ang puno. Hindi kaya tama ang kanyang ina? Masyado na niyang sinasaktan ang sarili sa pag-iisip na may pag-asa pang magbukas iyon. Sa mahabang panahon na dumaan, posible bang nabubuhay pa din ang kanyang ama? Mortal ang kanyang ama at magkaiba ang oras sa daigdig nila sa oras sa daigdig ng mga mortal. Tumatanda at nakakalimot ang mga iyon hindi tulad nila. Paano pa siyang makakasilip ng paraan para makarating sa mundo ng mga tao at makasalamuha ang mga iyon na para bang kabilang siya sa mundo ng mga ito? Mariing napapikit si Kroen at pinigilang pumatak ang mga luha dahil sa matinding kalungkutan. Kailangan na niyang tanggapin ang totoo. Wala nang paraan para makausap niya ang kanyang ama. Wala na… Lulugo-lugong lumipad si Kroen palayo nang mapansin sa gilid ng mga mata ang sinag ng nakakasilaw na liwanag. Bumaling siya paharap sa puno ng mahiwagang lagusan. Nagliliwanag ang puno! Hindi… Ang mismong lagusan ang nagliliwanag! Lumapit si Kroen sa puno, pababa sa butas sa katawan noon. Kakapain niya sana ang lagusan ngunit bigla ay parang may malakas na pwersang humihigop sa kanya papasok sa lagusan. Hindi niya nagawang makapanlaban sa malakas na pwersa. Pakiramdam niya, para siyang nahuhulog sa napakalalim na balon. Ni hindi niya magawang maikampay ang mga pakpak upang hindi tuluyang mahulog sa walang hanggang balon. Napapikit siya ng mariin. Hindi na niya naunawaan ang sumunod na pangyayari dahil nang magmulat siya ng mga mata ay nasa kakaibang lugar na siya. Nakahandusay sa sahig. Pinagmasdan niya ang sarili. Wala na ang mga pakpak niya pero iyon pa din ang kasuotan niya. Hindi na matulis ang tenga niya ng kapain iyon. Hindi na rin dambuhala ang tingin niya sa… sa paint brush? Nagpalinga-linga si Kroen sa paligid. ‘Nasaan ako? Puno ng mga ipinintang larawan ang silid. May mga lata ng pintura na may iba’t-ibang kulay. Iba’t-ibang uri ng mga bagay na ginagamit marahil sa pagguhit. Sigurado siya na sa pagguhit nakalaan ang mga iyon dahil ang silid ay puno ng mga malalaking portrait ng ipinintang mga larawan. Tumayo si Kroen at nagmasid pa. Nakatawag ng pansin niya ang malaking larawan na nasa likuran. Pinagmasdan niyang mabuti ang larawan. Iyon ang malaking puno ng lagusan. Eksaktong-eksakto sa hitsurasa kanilang mundo. Kuhang-kuha rin sa larawan ang pabilog na butas sa katawan ng puno… butas kung saan siya dumaan. Iyon ang butas na humigop sa kanya! At ang larawang ito ang naging susi para mabuksan ang lagusan! “Sino ka?!” sigaw ng nakakatakot at napaaroganteng boses. Napatda si Kroen sa matangkad na lalaking nalingunan. Puno ng pintura ang damit nito maging ang pantalon. Pero sa kabila ng magulong buhok at nanlalalim na mga mata ay hindi nakaligtas sa kanya ang taglay nitong karisma. Habang tumatagal na tinititigan niya ang lalaki ay gumagwapo ito sa kanyang mga paningin. Napangiti siya. Dito ba talaga nagmula ang nakakasindak na tinig na iyon? Pero bakit hindi niya maramdaman ang takot rito? Sa halip, naramdaman niya ang malakas na udyok ng kanyang utak na lapitan ito upang humingi ng tulong. At iyon nga ang ginawa niya. “Ako si Kroen. Maaari mo bang sabihin sa akin kung nasaang lugar ako?” puno ng pag-asam na tanong niya rito. Naggalawan ang mga makakapal na kilay ng lalaki. Kung sa anumang dahilan ay hindi niya alam. Pero isa lang ang ibinabadya ng reaksyon ng lalaki. Nagtataka ito. “Ikaw? Ano nga palang pangalan mo?” tanong pa niya rito. “A-Ako?” Tila hindi ito makapaniwala na nagtatanong siya. Ano bang klaseng lalaki ito at ganoon ang reaksyon sa pagtatanong niya?